Tuesday, August 9, 2011

Habagatan ang Hingang Pinakawalan sa Dilim

habagatan ang hingang pinakawalan sa dilim.
manipis at waring 'di marurok ng sinumang dios
o dios-diyosan.
walang nakapansin sa ihip na tumagos sa balat,
ang lahat ay may kanya-kanyang sinasampalatayaang anito/anino.

hindi ninais ng pantas na ang habagata'y pupuno sa kawalan ng dilim -
habang bawat hampas ng kanyang kamay
ay sumusugat sa birheng wala.
panunumpa ng itim na sugat sa kawalan ng puti;

mahusay ang pagkakakubli sa bahay ng mga luha.
ngunit waring baha ang kanyang pag-usbong mula sa tigang -
katulad ng baha na pumatay sa libu-libong kaanak ni Noah,

habagatan ang umiihip sa higanteng bangka.




No comments: