Tuesday, January 25, 2011

ANG ANITERA

Isang Makabagong Sarsuela sa Panulat Ni Romulo Vinci Rada Bueza

Mga Tauhan sa Sarsuela:

Mara – nagdadalawang isip sa magaganap na kasal.

Rodel – nobyo ni Mara

Inay ni Rodel

Teofilo – tito ni Rodel

Batang Rodel

Koro/Magnonobena/Kababaihan

TAGPO 1 – Sa loob ng bahay ni Mara (may makikitang larawan ng bagong buwan at mga ulap sa gawing likuran ng entablado mula sa isang projector. May capiz na bintana ang bahay ni Mara, sa bandang kanan naman ng entablado ay may upuan na nakaharap sa isang telebisyon)

Eksena 1

Musika 1

Maririnig ang boses ng mga matatanda na umaawit mula sa loob ng nakababang telon. Palakas ng palakas ang boses ng Koro.


KORO


Ave Maria
Gratia plena
Dominus tecum
Benedicta tu in mulieribus
Et benedictus fructus ventris
Tui, Jesus

- Bubukas ang telon -

(makikita si Rodel na nakaupo at nanunuod ng telebisyon. Nakapatong ang mga paa nito sa mga libro. Si Mara naman ay nakatalikod sa mga manonood, nakadungaw sa bintana at tinitingnan ang bagong buwan. Ang mga matatandang nakabelo at estampita ay nakapwesto sa buong entablado waring hindi nakikita ng mga tauhan habang patuloy ang kanilang pagkanta.)


Sancta Maria
Mater Dei
Ora pro nobis peccatoribus
Nunc et in hora mortis nostrae
Amen.


MARA


(naririnig parin ang Ave Maria)

Sa ganitong mga gabi

Na hinahatak ng buwan

Ang katawan ng mga babae

Sa kanyang sinapupunan,

At ang mga tala ay gumagawa

Ng mga bagong konstelasyon

Sa itim na kalangitan,

Ay nababaha ng alinlangan

Ang puso’t gunita.


KORO


May mga kwentong ihahabi

Ang bawat paos na Ave Maria.

Mga kwento ng paghahanap:

May naghahanap, may hinahanap -

tao, sagot, o kaya ay tanong.

Ng pag-ibig, ng pag-unawa

O ‘di kaya’y patawad mula sa

Abut-abot na langit.


MARA


(naririnig parin ang Ave Maria)


Nagbabadya ang karit sa kalangitan.

Pinupugutan nito ang ulo ng mga narra

Na umaabot sa kaniyang talim.

Hindi sila umiiwas, may kakaibang

Pag-unawa sila sa ginagawang tagba.

Matalim ang karit na buwan

At pati ang hangin ay ginagayat

Sa sanlibong gaway.

Ngayon ang huling gabi ng nobena sa itim na birhen.

May unos mula sa bibig ng mga matatanda

Sa lumang simbahan ng lungsod:

Umaawit sa pagbalik ng bilog na buwan.

Hindi matutulog ang lungsod ngayong gabi,

Sila’y nasa kaluwalhatian o kaya’y kasalanan.

Kahit ano pa man, may mga tanong na dapat masagot

Sa banaag ng karit na buwan.

Bukas magaganap ang prusisyon ng itim na birhen

Sa dagat ng mga kalalakihan.

Kalunos-lunos na imahe sa gitna

Ng mga lasenggo, sugalero, mamatay-tao’t

Mga hinlog ni Cain!

Habang ang birhen ay naliligo sa kasalanan

At ang mga paniki’y nagsisilikas sa

paparating na sigwa.

Nagbabadya ang karit sa kalangitan,

Nagbabadya ng paganong tagba

sa lahat ng mabanaagan nito!


KORO


Kaming matatanda’y aawit ng walang

Humpay na luksa, hanggang maging isang unos

Na hahampas sa pusod ng Birhen.

Para sa kapatawaran!

Para sa pag-unawa!

(isa-isang aalis ang mga matatanda habang umaawit parin ng Ave Maria.)


Eksena 2


MARA

Kailangan pa ba nating gawin ito, Rodel?

RODEL

Hnh?

MARA

Kailangan pa ba ‘to Rodel? (mas malakas)

RODEL

Lakasan mo Mara, hindi kita marinig. Nanunuod ako ng T.V.

(papalitan ang channel)

(lalapitan ni Mara si Rodel at kukunin ang remote control. Isasara ang T.V. gamit ang remote.)

MARA

Kailangan pa ba natin ‘to?

RODEL

Kailangan ang alin? (iritado) Andito nanaman ba tayo sa usapang ‘to? Ano nga yung sinabi mo kahapon? Ah, ang nakamumuhing piyesta ng birhen ng Naga. Ang sabi ko nga, wala tayong magagawa sa tradisyon at kinaugalian, wala tayong karapatan na mamuhi sa isang tradisyon. Kaya Mara, yung remote…

(nakaabot ang kamay kay Mara, nagmamakaawa)

MARA

(magbubuntong-hininga at kakausapin ang sarili)

Iba nalang sana ang hinihingi ng ‘yong palad, Rodel.

Kung maaari’y…

(Maririnig ang Koro at sandaling matatahimik ang mga tauhan.)

KORO

Nagbabadya ang karit sa kalangitan.

Pinupugutan nito ang ulo ng mga narra

Na umaabot sa kaniyang talim.

(Uupo sa sahig si Mara at ipapatong ang ulo sa binti ni Rodel.)

Hindi sila umiiwas, may kakaibang

Pag-unawa sila sa ginagawang tagba.

Matalim ang karit na buwan

At pati ang hangin ay ginagayat

Sa sanlibong gaway.

RODEL

(Habang hinahaplos ang buhok ni Mara, titingnan niya ang buwan at ngingiti siya sa pagbabagong-ugali ni Mara. Naririnig ang Ave Maria na unti-unting nawawala)

Alam mo bang galit na galit rin si Inay sa piyestang ito. Tamang tama ang sinabi mong pagkamuhi.. Kinamumuhian ito ni Inay. Hindi sa galit siya sa birhen, galit siya kung paano sinasamba ng mga taga-rito ang birhen.

Isa siyang deboto, Oo! Ngayong naiisip ko nga, mukhang pantay ang pagtingin niya kay Hesus at sa birhen.

Isang napakalaking heresia Mara, kung ako ang tatanungin mo.

Galit daw siya sa mga kalalakihan na nagpuprusisyon sa birhen. Galit na galit siya kapag nakikita niyang pinagkakaguluhan ang itim na imahe at ang mga bulaklak, ang damit, ang korona nito na parang babaeng ginagahasa sa lansangan at pinapanood ng mga taong-bato.

Noong una niya raw makita ang traslacion, hindi siya kumain ng handa sa piyesta kahit nandun yung paborito niyang kare-kare at leche flan. Ha ha ha!

MARA

Pero Rodel…

RODEL

Ngayong naisip ko… hindi ko alam kung bakit hindi sumasama si Inay sa mga nagnonobena sa birhen sa lumang simbahan. Siguro takot siya… Takot siyang pag-usapan ng mga tao na iniwan niya ang kanyang nobyo sa Bohol at dinala ang walang-amang bata sa Naga.

Kahit hindi siya sumasama sa lumang simbahan kasama ang mga matatanda ng Naga, meron siyang replika ng birhen sa aming altar at doon siya nagdarasal ng nobena.

Mara, hanggang sa mamatay siya , hindi na siya nanood ng prusisyon ng birhen.

Kaya naiintindihan kita. Naiintindihan kita ng lubusan Mara…

MARA

Hindi mo pa yan naikwento sakin…

RODEL

Pero kailangan mong malaman. Ikakasal na tayo sa Sabado, tatlong araw mula ngayon!

Hindi pwedeng ikasal tayo na may mga tinatagong sikreto!

Ha Ha Ha!

(titindig si Mara)

KORO

(mahina)

May mga kwentong ihahabi

Ang bawat paos na Ave Maria.

Mga kwento ng paghahanap:

May naghahanap, may hinahanap -

tao, sagot, o kaya ay tanong.

MARA

(sa sarili)

Ako ang dapat na may aaminin. Ako ang may kailangang malaman ngayong gabi.

(titingin sa buwan)

Siya muna ang magsalita. Siya muna ang magkwento.

RODEL

Manggagaway ang aking Inay.

MARA

Ha Ha Ha! Akala ko pa naman seryoso! Binigay ba sayo ang kanyang walis-tambo o kaya naman ang kanyang itim na blusa! Hahahahaha!

RODEL

Seryoso Mara, paniwalaan mo ako.

MARA

(magbubuntong-hininga at titingnan ang mukha ni Rodel)

Sige… ikwento mo.

(ipapatong ang ulo sa balikat ni Rodel)

- Bababa ang telon –

TAGPO 2 – Ang Kwento ni Rodel (Makikita pa rin ang upuan at Telebisyon, nasa entablado pa rin ang bagong buwan at mga ulap. Mawawala ang ibang kagamitan sa entablado)

Eksena 1

(maririnig ang boses ni Rodel)

RODEL

Sa Bohol, ang tawag sa kanya ay Anitera…

- bubukas ang telon –

(nasa dating posisyon si Rodel at Mara, nakapatong pa rin ang ulo ni Mara sa balikat ni Rodel habang nagkukuwento ito. May mga papasok na tauhan sa likuran nila.)

RODEL

Maglalabing-dalawang gulang ako noon, kaya natatandaan ko ang mga pangyayari. Siguro nga’y mahirap ibasura ang ganitong klaseng memorya. Kahit anong pilit ibasura ang dapat nabubulok ng kaganapan sa isipan, patuloy pa rin sa pagliyab ang apoy na ‘di naman makasunog ng memorya.

(Magdidilim sa lugar nila Mara. Maririnig ang malumanay na piano, papasok ang Batang Rodel at ang Inay ni Rodel sa kaliwa. Magkahawak-kamay at nakagayak pangsimba ang dalawa, may dalang laruang eroplano si Rodel. Mukhang may kaya ang Inay ni Rodel.)

BATANG RODEL

Nay, pagkatapos natin sa simbahan punta tayo sa kainan ni Aling Concha, bilhan mo ako ng suman ha.

INAY

Oo ba, pero hwag kang malikot sa simbahan ha. Papagalitan ka ni padre. Lumapit ka nga, at aayusin ko ang buhok mo. Ano ba naman tong yaya mo, hindi marunong magsuklay. Tsk!

BATANG RODEL

Nay, ‘di ba maguumpisa ang misa ng alas otso? Eh alas otso y medya na ha.

INAY

Doon tayo sa likuran uupo kaya

Hwag ka ng matanong Rodel.

BATANG RODEL

Eh bakit nga?

INAY

Isa pang tanong, wala kang suman!

(papasok sa kanan ang Tito ni Rodel, hinihingal)

INAY

Teofilo! Anong nangyari sayo? Kumuha ka ng tubig Rodel, Bilis! Magsalita ka Teofilo, anong nangyari?

BATANG RODEL

Eto po ang tubig.

TEOFILO

Hwag na… Ate, Rodel…Mag-empake na kayo ng ‘yong mga gamit! Bilisan niyong dalawa. Papunta na… sila dito.

INAY

Sinong sila? Bakit?

TEOFILO

Bilisan mo na Rodel! Kunin mo na ang mga gamit mo!

(aalis ang batang Rodel, naguguluhan. Makikita parin siyang nakikinig sa usapan)

INAY

Anong nangyari? Pinapakaba mo ako Teofilo!

TEOFILO

Ate, papunta dito ang grupo ni Don Miguel ang kaaway ni Itay sa lupa. Tinatawag na siya ngayong Amang Mayari. Papunta dito ang kulto ng Kristong Hari!

Narinig ko mismo ang kanilang usapan kanina. Alas otso y medya ay magtitipon-tipon daw sila kila Don Miguel.

Papatayin daw ang Anitera! Ikaw yung tinatawag nilang Anitera Ate, ang babaylan ng mga sinaunang Anito! Papatayin din ang iyong anak! Umalis na kayo dito. Ako nang bahala sa kanila. Ate, maniwala ka sakin. Kahit ngayon lang!

INAY

(Titindig. May pag-unawa sa kanyang mukha)

Teofilo, puntahan mo si Rodel. Ayusin mo ang mga gamit namin.

TEOFILO

Ate! Hindi mo ba ako naiintindihan? Papatayin kayo!

INAY

Naiintindihan ko. Alam ko ang ginagawa ko. Puntahan mo na si Rodel Teofilo. Magkita-kita tayo sa labas, sa may punong mangga.

TEOFILO

(Titingnan ang kapatid at hahawakan ang kamay.)

Ate, mag-ingat ka. (lalabas)

INAY

(titingin sa bagong buwan at aawit ng pabulong)

Nagbabadya ang karit sa kalangitan.

Pinupugutan nito ang ulo ng mga narra

Na umaabot sa kaniyang talim.

Hindi sila umiiwas, may kakaibang

Pag-unawa sila sa ginagawang tagba.

Matalim ang karit na buwan

At pati ang hangin ay ginagayat

Sa sanlibong gaway.

RODEL

(aawitin)

May pangamba sa awit ng mga kuliglig ng gabing iyon.

Matinis ang luksa ng sapa na marahang dumadaan sa aming likod-bahay.

Walang malay na naghahalinhinan ng kaba ang mga punong-kahoy.

May alam ang ulan at ito’y nangatawang-luha -

Ang Anitera ang nasa gitna ng nanginginig na dilim.

INAY

(aawiting pasalita)

Mapuon sa pagmukna kan banal

Na mo-og an ritwal nin hidhid:

Saksi an mga gurang na tugang –

Dalisay na tubig gikan sa abaga

Kan sulong,

Paros na malipot, amihanan.

Preskang sulo sa sagradong saldang.

Madahom, mapagrangang dalipay.

Sa tamang oras asin mukha kan bulan, Guimata.

Gigimatahun an mga nagtuturog na mga katambay

Kan bulod Hamtik,

Harong kan mga gurang na agi-agi.

Asin sa pagdiklom kan mata, makurahaw sa mga

Gapong Batara, mga gugurang

Na may kapot sa kapangyarihan

Kan buhawi,

Pagtaob kan dagat,

An uran,

An orog na kapangyarihan

Kan mga dai nahihiling o nasasabi.

(Pupunta sa bandang likuran, sa madilim na bahagi ng entablado. Maririnig ang dagundong sa malayo.)

MARA

Totoo ba ‘tong lahat? Hindi kaya mga larawang-diwa mo lang ang mga ito? Mga… imahinasyon, Rodel?

RODEL

(magbubuntong-hininga)

Minsan din, ng nasa Bohol pa kami, bigla akong naggising sa mga sigaw at nakalulunos na mga ungol na parang ginigilit na hayop. Sinundan ko ang ingay hanggang makarating ako sa aming kubo sa likod-bahay…

Eksena 2

(makikita sa bandang likuran si Teofilo, isang babaeng parang nasasapian, at ilang mga kababaihan. Ang Batang Rodel ay nagtatago malapit sa inuupan nina Mara)

BABAE 1

Napaglaruan daw ng dwende na nakatira sa punong duhat nila Efren…

BABAE 2

Hindi, ang sabi ni Teofilo ay kapre daw.

BABAE 1

Kapre nga siguro kasi hindi lumiit ang kamay nitong si Milagring.

BABAE 3

Santissima Rosario! Eh baka loka-loka na talaga yan!

BABAE 2

Ay, baka nga. Baka na-Tipus…

BABAE 1

Hwag naman sana Guinoo! May utang pa to sa’kin!

BABAE 2

O kaya naman nakagat ng aso…

BABAE 1

May aso si kumpareng Efren?!

BABAE 2

O kaya nakainom ng ihi ng daga…

BABAE 1

Ay oo, yun marahil. Maraming daga kina Efren eh.

BABAE 3

Magsitigil kayo, heto na ang Anitera…

(papasok ang Inay ni Rodel, may dalang mga dahon at mga aparato.)

TEOFILO

Ate, Si Milagring. Napaglaruan ng lamang-lupa sa may punong duhat…

(pupulsuhan ni INAY at sisigaw naman ang babae.)

INAY

Kunin mo ang aking kandila sa aparador, Teofilo. Yung kulay itim.

(lalabas sa kaliwa si Teofilo, ilulugay ni INAY ang kanyang buhok at aawit)

Sa pagdiklom kan mata, makurahaw sa mga

Gapong Batara, mga gugurang

Na may kapot sa kapangyarihan

Kan buhawi,

Pagtaob kan dagat,

An uran,

An orog na kapangyarihan

Kan mga dai nahihiling o nasasabi.

(papasok si Teofilo sa kanan at makikita ang Batang Rodel.)

TEOFILO

Rodel!!! Chismosong bata ito! Hindi ito para sa mata ng bata! Bumalik ka sa kwarto mo at mag-aral ka! Walang modong bata! Ipapakain kita sa buwaya! Bumalik ka dito! Rodel!

(Hahabulin si Rodel hanggang makalabas, magdidilim sa bahagi ng mga Kababaihan.)

RODEL

Sunod kong nakita si Inay bilang Anitera dito sa Naga.

Nakahubo sa harap ng bilog na buwan at may mga salitang lumalabas sa kanyang bibig na hanggang ngayon ay nagpapaalala sakin sa isang sapa na marahang dumadaan sa aming likod-bahay.

Ng mga panahon na ‘yon hindi ko na siya kilala. Takot na ako sa Inay… Takot na ako sa kanya…

KORO

(aawitin at unti-unting mawawala hanggang bumaba ang telon)

Sa ganitong mga gabi

Na hinahatak ng buwan

Ang katawan ng mga babae

Sa kanyang sinapupunan,

At ang mga tala ay gumagawa

Ng mga bagong konstelasyon

Sa itim na kalangitan,

Ay nababaha ng alinlangan

Ang puso’t gunita.

- bababa ang telon –

TAGPO 3 – Ang Tagba ng Karit na Buwan (Mawawala ang mga gamit sa entablado. Makikita pa rin ang larawan ng bagong buwan. Si Mara at Rodel ay nasa magkabilang dulo ng entablado, nakaharap sa manunuod. Nakaluhod sa harap ng bagong buwan ang Koro)

Eksena 1

KORO

Shhhhhh….

May sinasabi ang gabi.

Shhhhhh…

Makinig! Mga nababanaagan ng karit na buwan… Makinig.

May alimpuyo na sumasabay sa salimbay ng dilim.

Shhhhhh…

Magaganap ang tagba ng karit na buwan. Makinig…

Mga bagong Adan, mga lumang Eba… Shhhhh… Makinig.

(Sabay-sabay na titingin kay Rodel.)

RODEL

Natatakot rin ako sa iyong pagkababae, Mara.

Lahat ng babae ay Anitera, mga tagapagbantay ng Lupa na kanila ring katawan.

Ang bawat pagpalit-mukha ng buwan ay iyong pagmamay-ari.

Kawangis ang gilalas ng namumungang kahoy at awit ng dagat; walang humpay ang bumabalot na mangha sa iyong pagkababae.

Malinis nitong hinihiwa ang mga hilom nang sugat ni Adan hanggang malamuyot ang lalake ni Eba.

Lahat ng babae ang Anitera. Naibaon na ang mga anito at aparato ngunit sila’y buhay.

Natatakot ako sa iyong pagkababae Mara, ngunit mahal kita.

Mahal kita ng lubusan. Kailangan kong sabihin ang aking mga takot at poot. Kailangan kong buksan ang aking puso upang papasukin ka, nguni’t kailangan ko ring ipagsanggalan ang takot sa iyong pagiging Anitera, sa iyong pagkadaop sa iyong inang buwan.

Kinakailangan kong gawin ito. Kinakailangan kong ilagay ang singsing sa iyong daliri, ang natitirang alaala ng isang kadena.

Kailangang pahupain ang iyong pagkababae ng kasal.

KORO

Shhhhhh…

Makinig! Mga nababanaagan ng karit na buwan… Makinig.

May alimpuyo na sumasabay sa salimbay ng dilim.

Shhhhhh…

Magaganap ang tagba ng karit na buwan. Makinig…

(sabay-sabay na titingin kay Mara.)

MARA

Isa akong Anitera Rodel, hindi mo ba nakikita? Lahat ng babae ay Anitera.

Kailangan pa ba nating ipagpatuloy ang kasal? Ang singsing ay alaala ng isang kadena.

Ngunit mahal kita. Mahal kita ng lubusan.

Hindi ka na muling sasaktan ng Babae, mahal ko. Magpapakasal ang Anitera.

KORO

Shhhhh…

May sinasabi ang gabi.

Shhhhh…

Makinig.

(lahat ay titingin sa karit na buwan)

KORO

Hindi sila umiiwas,

May kakaibang pag-unawa sila

Sa ginagawang tagba.

- bababa ang telon –

WAKAS

No comments: